Kinilala na ang mga biktima ng pananambang na naganap ngayong umaga sa Barangay Makir, bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Norte.
Sakay ng kulay gray na Toyota Fortuner ang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa nasabing bayan na si Bai Maceda Lidasan Abo at ang kanyang asawa na si Jojo Abo nang sila ay pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Dead on the spot ang mister ni Abo dahil sa tinamong mga tama ng bala, habang malubhang nasugatan ang Comelec officer na kasalukuyang ginagamot sa ospital. Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang mga nasa likod ng pamamaril at ang motibo sa krimen.
Ayon sa mga awtoridad, isa lamang ito sa mga serye ng pananambang na naganap sa lugar simula pa kahapon. Dahil dito, pinaigting na ang seguridad sa bayan upang maiwasan ang mga karagdagang insidente ng karahasan.
Patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan at mga residente para sa hustisya at agarang aksyon upang matigil na ang sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa kanilang lugar.