Sa naging official statement Commission on Elections (COMELEC) hindi binago ang schedule ng Bangsamoro Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 13, 2025, kahit may Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77.

Ayon sa Minute Resolution No. 25-1018, nananatili ang campaign at election period, at patuloy na ipatutupad ang lahat ng kaukulang election prohibitions. Magpapatuloy din ang pagproseso ng mga kahilingan kaugnay nito.

Samantala, sa Minute Resolution No. 25-1015, suspendido muna ang lahat ng paghahanda para sa district, sectoral, at party representative elections hanggang sa alisin ang TRO o maresolba ang usapin sa redistricting.

Nilinaw ng COMELEC na ang suspensyon ay limitado lamang sa kanilang internal preparations at hindi kasama ang mga hakbang sa seguridad para sa nalalapit na halalan.

Ang TRO ay kaugnay ng mga kasong inihain laban sa Bangsamoro Transition Authority at sa pagpapatupad ng redistricting sa ilalim ng BAA No. 77.