Ipinabatid ng COMELEC na ilalaban nila na ang First Parliamentary Election ay mangyari sa 2026. Bagamat hindi pa ganap na nakumpirma, tiniyak ng ahensya na hindi ito ililipat sa 2027 o 2028, at lahat ng kinakailangang hakbang ay nakatuon para maisagawa ang halalan ngayong taon.

Samantala aabot sa ₱2.5 hanggang ₱2.6 bilyon ang inilaan na budget para sa nalalapit na First Parliamentary Election. Ayon sa ulat, ang halagang ito ay pinagsamang pondo mula sa natirang budget at bagong inaprubahan ng Kongreso, kasabay ng General Appropriations Act (GAA) para sa 2026.

Dahil dito, inaasahang makatatanggap ng dagdag na honorarium ang mga guro, katulad ng karaniwang ibinibigay tuwing National at Local Elections.

Binigyang-diin ni Garcia na kung ang halalan ay isasagawa sa manual na paraan, posibleng magdulot ito ng kaguluhan base sa karanasan ng nakaraang eleksyon. Samantala, kung automated naman, inaasahang magiging maayos at walang mas malaking problema. Gayunpaman, hindi tuluyang tinanggal sa mga opsyon ang manual na halalan. Ayon kay Garcia, kakayanin pa rin ang posibleng abala sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP), PNP, at iba pang ahensya.