Inihayag ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang kanyang pagkabahala sa House of Representatives matapos tanggihan ang ikatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Duterte, paglabag sa Saligang Batas at kawalang-galang sa publiko ang naging desisyon ng Kamara. Giit niya, hindi makatarungan ang dahilan na hindi natanggap ang reklamo dahil wala ang Secretary General, dahil puwede naman itong tanggapin ng awtorisadong opisyal ng tanggapan.

Aniya, hindi simpleng isyu ng proseso ang pagtanggi sa reklamo, kundi isang pagtatangkang protektahan ang Pangulo. Idinagdag niya na ang impeachment ay tungkulin ng Kamara at hindi dapat ituring na pribilehiyo.

Binigyang-diin din ng kongresista ang pagkabahala dahil ito na ang ikalawang pagkakataon na tinanggihan ang impeachment complaint, kasunod ng reklamo mula sa Duterte Youth party-list noong nakaraang taon.

Nagbabala si Duterte na ang paggamit ng “mahihinang dahilan” upang harangin ang lehitimong kaso ay maaaring magdulot ng pangamba sa publiko at kawalan ng tiwala sa pamunuan ng Kamara.

Sa pagtatapos, iginiit niya na dapat manindigan ang Kamara sa kanilang tungkulin at igalang ang Saligang Batas.