Iginiit ni Lanao Del Sur Congressman Zia Adiong na kahit na di bigyan ng subsidy ng national government ang Philippine Health Insurance Corporation o PHIC na mas kilala sa pangalang Philhealth sa susunod na taon, marami umanong pondo ang ahensya na mahuhugot upang maipagpatuloy ang mga benefits na ibinibigay nito.
Binanatan din ng mambabatas ang mga kumakalat na memes sa social media na bawal na diumanong magkasakit sa susunod na taon dahil umano sa kawalan ng pondo ng Philhealth at tinawag din nito na fake news ang nasabing meme.
Aniya, nasa P504-B ang investible funds at ayon pa sa report ng Philhealth, mayroon pa itong 183 na bilyong sobra na reserbadong pondo bukod pa sa P42-B na di nagamit ng korporasyon.
Ayon sa kongresista, P140-B per year lamang ang kailangan ng PHIC para magpatuloy ang benepisyo ng mga miyembro nito na siyang dahilan upang di na maglaan ng subsidiya ang kongreso para sa mga tinaguriang Indirect Contributor para sa susunod na taon.
Dahil dito, nanawagan si Adiong na tigilan na ang pagpapakalat ng mga fake news at pagatake sa kongreso sa ginawa nitong desisyon hinggil sa subsidiya ng Philhealth.