Nagpaalala ang Cotabato City Health Office sa publiko na maging maingat laban sa sakit na Chickenpox o bulutong-tubig, kasunod ng pagtaas ng mga kaso nito sa lungsod.

Hinikayat ng ahensya ang mga mamamayan na agad kumonsulta sa kanilang barangay health center o makipag-ugnayan sa Cotabato City Health Office sakaling makaranas ng mga sintomas ng nasabing karamdaman.

Bilang pag-iingat, pinaalalahanan din ang publiko na iwasang personal na magtungo sa health centers nang walang naka-iskedyul na appointment, upang maiwasan ang posibilidad ng pagkahawa ng iba pang pasyente.

Para sa mga appointment o karagdagang impormasyon tungkol sa Chickenpox, maaaring makipag-ugnayan sa numerong 0945-839-0105.

Nananawagan ang City Health Office sa lahat na makiisa sa pagpigil sa pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng maagap na konsultasyon at tamang pag-iingat.