Naglabas ng paalala ang Cotabato City Health Office kaugnay ng patuloy na banta ng sakit na dengue sa lungsod.

Hinihimok ng ahensya ang publiko na maging mas mapagmatyag at maagap sa pag-iwas sa sakit na ito na dulot ng kagat ng lamok, partikular na ng Aedes aegypti, na siyang pangunahing tagapagdala ng virus.

Ayon sa health office, mahalagang agad na kumonsulta sa pinakamalapit na barangay health center kung makararanas ng mga sintomas ng dengue. Kabilang sa mga pangunahing palatandaan nito ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo, kalamnan at kasukasuan, pagsusuka, rashes o pantal sa balat, at posibleng pagdurugo ng ilong o gilagid.

Ang maagap na pagpapatingin sa mga eksperto ang susi upang maiwasan ang komplikasyon at mapanatili ang kalusugan ng bawat isa.

Binibigyang-diin ng tanggapan na mas mainam pa ring umiwas sa sakit kaysa gamutin ito.

Kaya naman, hinihikayat ang bawat mamamayan na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran, sirain ang mga lugar na maaaring pamahayan ng lamok gaya ng mga nakatiwangwang na lalagyan ng tubig, at gumamit ng mga proteksyon tulad ng kulambo o insect repellent.

Para sa karagdagang impormasyon o katanungan hinggil sa mga hakbang kontra dengue, maaaring tumawag o mag-text sa Cotabato City Health Office sa numerong 0945-839-0105.