Bilang tugon sa insidente ng pamamaril noong Oktubre 4, 2025, na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang kabataan, agad na kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Cotabato upang palakasin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa bisa ng Executive Order No. 188, Series of 2025, ipinag-utos ni Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang pagmomobilisa ng Quick Response Team (QRT) sa ilalim ng Public Safety Office, bilang auxiliary force ng Philippine National Police (PNP).
Layunin ng QRT na tumulong sa pagpapanatili ng peace and order sa lungsod, kabilang ang crowd control, traffic management, at emergency response.
Nilinaw ng City Government na ang QRT ay hindi maaaring magsagawa ng pag-aresto o imbestigasyon, at mananatiling nasa ilalim ng direktang superbisyon ng PNP at Public Safety Office.
Ang lahat ng miyembro ng QRT ay dadaan sa training at orientation kasama ang PNP upang matiyak ang tamang kaalaman sa kanilang tungkulin, limitasyon, at tamang koordinasyon sa mga law enforcement agencies.