Sa kabila ng mga insidente ng pamamaril, nananatiling ligtas pa rin ang Cotabato City ayon kay PCol. Jibin Bongcayao, City Director ng Cotabato City PNP.
Sa panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni Bongcayao na natukoy na ng pulisya ang mga suspek sa lahat ng kaso ng pamamaril sa lungsod, at naisampa na rin ang mga kaukulang kaso laban sa kanila. Sa ngayon, naghihintay na lamang sila ng warrant of arrest upang isagawa ang manhunt operations.
Dagdag pa niya, ang mga insidente ng pamamaslang sa lungsod ay may iba’t ibang dahilan gaya ng utang, negosyo, personal na alitan, at iba pa. Aniya, normal ang ganitong mga kaso sa komunidad, ngunit patuloy ang pagsisikap ng PNP upang masugpo ang paglaganap ng loose firearms na isa sa mga pangunahing dahilan ng mga insidenteng ito.
Tiniyak ng Cotabato City PNP na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lungsod.