Tiniyak ng Cotabato Light and Power Company na walang mararanasang brownout o power interruption sa darating na araw ng halalan sa Lunes, Mayo 12, 2025.
Sa naging panayam ng Star FM Cotabato kay Doreen Almirante, tagapagsalita ng Cotabato Light, sinabi nito na matagal na nilang pinaghandaan ang eleksyon sa pamamagitan ng kanilang contingency plan.
Ayon sa kanya, nagsagawa na ang kanilang kumpanya ng preventive maintenance sa mga pangunahing linya at pasilidad upang maiwasan ang anumang aberya sa araw ng halalan.
Dagdag pa ni Almirante, magpapakalat din sila ng mga standby crews at mga linemen sa iba’t ibang canvassing centers at mga estratehikong lugar sa Cotabato City upang masigurong agad na matutugunan ang anumang insidente kaugnay sa suplay ng kuryente.
Nakipag-ugnayan na rin ang Cotabato Light sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP upang masiguro ang tuluy-tuloy na power supply. Kinumpirma ng NGCP na walang inaasahang power interruption sa kanilang grid sa araw ng halalan.
Sa kabuuan, tiniyak ng Cotabato Light na kanilang pangunahing layunin ay masigurong magiging maayos at walang sagabal na daloy ng halalan pagdating sa suplay ng kuryente, bilang suporta sa ligtas, patas, at maayos na botohan sa Cotabato City.