Maagang nagpabatid ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) tungkol sa nakatakdang power interruption sa buong CoLight franchise na mangyayari sa Linggo, Pebrero 15, 2026.

Ayon sa abiso, magsisimula ang scheduled shutdown ng alas-7:00 ng umaga at tatagal hanggang alas-5:30 ng hapon, o kabuuang 10.5 na oras ng pagkaantala sa kuryente. Saklaw ng epekto ang lahat ng lugar na pinagseserbisyo ng Cotabato Light (CoLight).

Tinukoy ng NGCP na ang Kibawe-Sultan Kudarat 138kV Transline ang isasailalim sa maintenance at repair. Kabilang sa gagawing trabaho ang pagkukumpuni sa mga nasirang strands o linya sa Phase A conductor sa pagitan ng Tower 50 at 51, at ang ressagging works ng mga conductor sa span ng Towers 46-51 at Towers 51-52.

Nagpaabot ng paumanhin ang CoLight sa publiko sa anumang abala o perwisyo na maidudulot ng pagkakaantala, at nilinaw na ang nasabing aktibidad ay bahagi ng maintenance operations ng NGCP at lampas na sa kontrol ng lokal na power utility provider.

Pinayuhan ng magkabilang panig ang mga apektadong residente at negosyo na maghanda ng maaga at isagawa ang mga kinakailangang hakbang upang mabawasan ang epekto ng power interruption sa kanilang araw-araw na operasyon.