Pormal nang sinimulan ng Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) ang kanilang 69kV Subtransmission Line Project, isang mahalagang hakbang upang higit pang mapatatag ang power system sa kanilang nasasakupan at mapabuti ang pagiging maaasahan ng serbisyo para sa mga kustomer.

Ang proyekto, na tatakbo mula Hunyo 2025 hanggang Oktubre 2026, ay magbibigay sa Cotabato Light ng mas mataas na operational flexibility sa pamamagitan ng paglikha ng sariling ruta ng suplay ng kuryente—na hindi na lubos na umaasa sa kasalukuyang shared subtransmission line ng katabing kooperatiba (Magelco), na madalas makaranas ng hindi inaasahang power interruptions dahil sa mga luma at marurupok na istruktura at mga sagabal na halaman.

Kapag natapos na ang proyekto, inaasahan nitong mababawasan ang mga pagkaantala sa serbisyo tuwing may scheduled maintenance sa transmission network ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
“Nauunawaan namin kung gaano kahalaga ang tuloy-tuloy na kuryente para sa aming mga kustomer, lalo na tuwing weekend,” pahayag ni Valentin S. Saludes III, Pangulo at COO ng Cotabato Light. “Ito ay isang hakbang na pasulong upang gawing mas matatag ang aming sistema habang sinusuportahan ang paglago at pag-unlad ng lungsod.”

Ang 69kV Subtransmission Line Project ay bahagi ng pangmatagalang infrastructure plan ng Cotabato Light upang tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente ng Cotabato City at mga karatig na lugar.
Pinasasalamatan ng Cotabato Light ang pakikiisa at suporta ng mga katuwang nito, kabilang ang NGCP, at ng kanilang mga kustomer habang nagpapatuloy ang proyekto.
Nanatiling tapat ang kumpanya sa pagbibigay ng ligtas, maaasahan, at epektibong serbisyo sa kuryente.
