Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang isang hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group sa bayan ng Las Navas, Northern Samar noong Marso 31, 2026.

Kinilala ang nadakip sa alyas na “Lolok” o “Loklok,” na kabilang umano sa Squad 1 ng Sub-Regional Guerrilla Unit Amihan.

Isinagawa ang operasyon ng mga tropa ng 19th Infantry Battalion katuwang ang PNP matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente ng Barangay Victory na nagresulta sa agarang pagkakahuli sa suspek.

Ayon sa mga awtoridad, matagal nang pinasusuko si “Lolok” ng kanyang pamilya, mga local peace panel, at ilang opisyal ng gobyerno ngunit patuloy umano itong umiwas sa batas.

Nabatid na nagtago ang suspek simula pa noong unang bahagi ng Marso at sinubukang tumakas patungong Nueva Ecija upang iwasan ang pag-aresto.

May kinahaharap na kasong frustrated murder si Baluyot kaugnay sa pananaksak sa isang sundalo ng 19IB sa isinagawang community support operation noong Setyembre 2024.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang legal na proseso habang patuloy namang pinagtitibay ng AFP at PNP ang kampanya laban sa insurhensiya sa rehiyon.

Iginiit ng mga awtoridad na mahalaga ang kooperasyon ng sibilyan sa matagumpay na operasyon at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Northern Samar.