Nagbigay ng katiyakan ang Department of Agriculture na hindi magkukulang ang suplay ng pagkain sa bansa kahit may banta ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng umiinit na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nananatiling matatag ang produksyon ng mga pangunahing bilihin at walang inaasahang kakapusan sa mga susunod na buwan.
Partikular na binigyang-diin ng kalihim na sapat ang suplay ng bigas, na pangunahing kinakain ng mga Pilipino. Batay sa tala ng National Food Authority, umaabot sa humigit-kumulang 400,000 metriko tonelada ang buffer stock ng bigas—katumbas ng mahigit sampung araw na konsumo ng buong bansa.
Dagdag pa rito, inaasahan pang lalago ang imbentaryo dahil kasalukuyang panahon ng anihan, bukod pa sa mga darating na imported na suplay.
Upang mapanatiling abot-kaya ang presyo, pinaigting ng DA ang kanilang mga hakbang gaya ng mahigpit na monitoring sa presyo ng bigas, pag-aaral sa pagpapatupad ng price cap sa imported na bigas, at pag-uutos sa Food Terminal Inc. at Planters Products Inc. na maglabas ng mas murang produkto sa merkado.
Hindi lamang bigas ang sapat ang suplay. Ayon sa DA, marami ring gulay ang pumapasok sa merkado dahil sa tuloy-tuloy na ani at pagtatanim. Mayroon ding nakaimbak na imported na karne ng baboy sa mga cold storage, habang unti-unti nang bumabangon ang lokal na produksyon.
Kasabay nito, panahon din ng anihan para sa mais, asukal, at sibuyas kaya inaasahang mananatiling sapat ang suplay ng mga ito.
Gayunman, inamin ng ahensya na posibleng magkaroon ng bahagyang pagtaas sa presyo ng ilang produkto dahil sa epekto ng pagmahal ng transportasyon at freight cost na konektado sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Samantala, tiniyak naman ni Assistant Secretary Genevieve Guevarra na magpapatuloy ang P20 kada kilo na programa sa bigas para sa mga kwalipikadong benepisyaryo hanggang Hunyo 2028.
Sa kabuuan, iginiit ng Department of Agriculture na kontrolado ang sitwasyon sa suplay ng pagkain at patuloy ang kanilang mga hakbang upang mapanatiling sapat at abot-kaya ang mga pangunahing bilihin para sa mamamayan.

















