Humupa na ang bakbakan ng dalawang armadong grupo na naganap sa Sitio Nimao, Balanakan, Datu Piang Maguindanao Del Sur.
Sa naging pahayag ni 6th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Roden Orbon, mapayapa na ang lugar at tahimik na matapos ang engkwentro na naganap, gabi ng Lunes.
Sangkot sa naging bakbakan ayon sa tagapagsalita ng militar ang grupo nina Fahad Paglas at Sainodin Paglas na matagal nang may away sa pulitika.
Walang naitalang sugatan o casualty sa bakbakan ngunit higit sa 100 na katao naman ang lumikas ng maganap ang sunod-sunod na putukan, ngunit ayon kay Lt. Col. Orbon, maari na aniya ang mga ito makabalik sa kanilang mga pamamahay.
Nagtalaga na rin ng tropa ang 6th IB upang tiyakin ang kaligtasan ng mga gusto nang bumalik sa kanilang tahanan.
Samantala, nangako naman na rin ang magkabilang grupo na hindi na mauulit pa ang nasabing gulo habang patuloy pa rin sa pagmamatiyag ang militar sa mga kaganapan sa lugar.