Aasahan ang pagdagdag ng mga pulis mula sa Zamboanga Peninsula, Region 12, maging mula sa Visayas, Luzon, at National Capital Region (NCR) na itatalaga sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng paghahanda para sa darating na May 2025 midterm elections.
Ito ay ayon kay Area Police Command Commander, Police Lt. Gen. Bernard Banac, kasabay ng pormal na pag-activate ng Special Task Force (STF) BARMM 2025 National and Local Elections, na ginanap ngayong Lunes, March 24, 2025, sa PRO BAR Grandstand, Camp Salipada K. Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte.
Pangungunahan ni Banac ang STF BARMM na nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa rehiyon ngayong halalan.
Inihayag din niya na susundan ng mga simulation exercises, command conferences, at iba pang mga aktibidad ang nasabing activation bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda.
Samantala, iniulat naman ni PNP PRO BAR Regional Director PBGen Romeo Macapaz na 30 bayan sa BARMM ang kasalukuyang nasa ilalim ng red category, indikasyon ng mataas na election-related security concerns.
Karamihan sa mga bayang ito ay matatagpuan sa Maguindanao del Sur at Lanao del Sur.
Ayon kay Macapaz, regular na isinasailalim sa weekly assessment ang lahat ng bayan sa rehiyon upang matukoy ang antas ng banta at kinakailangang aksyon.