Panibagong dagok sa New People’s Army (NPA) ang naitala matapos sumuko ang dalawang miyembro nito at masamsam ang mga matataas na kalibreng armas sa magkahiwalay na operasyon sa Bukidnon at Surigao del Sur.
Ayon sa 4th Infantry (Diamond) Division, kusang sumuko ang dalawang miyembro ng NPA sa 8th Infantry Battalion noong Marso 12 sa Impasug-ong, Bukidnon. Iniugnay ang kanilang pagsuko sa patuloy na operasyon ng militar at humihinang suporta mula sa mga lokal na komunidad.
Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ng mga ito ang isang M16 rifle.
Sinabi ni Lieutenant Colonel Jeorge R. Jallorina, commanding officer ng 8th Infantry Battalion, na nagbigay ang naturang pagsuko ng mahalagang impormasyon na makatutulong sa patuloy na operasyon laban sa natitirang mga elemento ng NPA sa kanilang nasasakupan.
Samantala, sa hiwalay na operasyon, nadiskubre ng mga tauhan ng 30th Infantry Battalion ang isang arms cache noong Marso 13 sa Sitio Gis Anan, Barangay Carromata, San Miguel, Surigao del Sur.
Kabilang sa mga narekober ang tatlong M16 rifle, isang Colt M4 rifle, mga magazine, bala, at iba pang kagamitang pandigma.
Ayon kay Lieutenant Colonel Rey Vergel A. Annogui, commanding officer ng 30th Infantry Battalion, ang pagkakadiskubre ng mga armas ay kaugnay ng naunang arms cache na narekober noong Marso 11 sa kalapit na Sitio Lago sa parehong barangay.
Pahayag naman ni Major General Michele B. Anayron Jr., commander ng 4th Infantry Division, na malaking dagok ang mga nasabing operasyon sa natitirang pwersa ng NPA at lalo nitong pinahina ang kakayahan ng grupo na magsagawa ng mga aktibidad.
Binigyang-diin niya na patuloy ang paghina ng NPA habang dumarami ang sumusuko nitong mga miyembro at unti-unting nababawi ang kanilang mga armas sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon ng militar.
Dagdag pa niya, bagamat magpapatuloy ang pagtugis sa mga armadong rebelde, hinihikayat pa rin ang mga natitirang miyembro ng NPA na magbalik-loob sa pamahalaan at mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.
















