Nasawi ang isang 18-anyos na babae matapos pagbabarilin sa ulo sa isang insidente ng pamamaril na naganap bandang alas-11:25 ng gabi noong Abril 2, 2026, sa Purok All-Ittihad, Bagua 2, Cotabato City.
Kinilala ang biktima na si Baby Jean Aping Guiapar, may asawa, walang trabaho, at residente ng Purok Katuli, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte. Agad siyang nasawi matapos tamaan ng bala sa ulo.
Ayon sa ulat, bandang alas-11:40 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Police Station 4 mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente. Kaagad namang rumesponde ang alert team na pinamunuan ni PMSg Datu Halil Diocolano kasama ang duty investigator at dumating sa lugar bandang alas-11:45 ng gabi.
Pagdating sa crime scene, natagpuan ang biktima na wala nang buhay at nakahandusay sa sariling dugo. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na binaril ang biktima habang nakatayo sa nasabing lugar gamit ang hinihinalang .45 kalibre ng baril, batay sa nakuhang basyo sa pinangyarihan.
Narekober din sa lugar ang ilang personal na gamit ng biktima tulad ng cellphone, charger, pregnancy test kit, at gintong kuwintas.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek na hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala. Ayon sa ulat, sakay umano ito ng asul na Honda Click na motorsiklo na walang matukoy na plaka.
Tinutukoy ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen, kabilang ang umano’y love triangle at pagkakasangkot sa ilegal na droga. Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy kung bakit naroon ang biktima sa nasabing lugar at oras.
Nakolekta na rin ang mga CCTV footage sa paligid upang makatulong sa pagkilala sa suspek. Inalerto na rin ang mga karatig na police stations at checkpoints para sa posibleng pagkakaaresto ng tumakas na salarin. Isinagawa naman ng SOCO RFU BAR ang masusing pagproseso sa crime scene.
Naitala ang spot report ng insidente sa CTOC bandang alas-2:03 ng madaling araw ng Abril 3, 2026. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing kaso.

















