Nagbuwis ng buhay ang isang 17 year old na dalagita na nagmamaneho ng motor matapos itong aksidenteng maatrasan ng isang panel van sa Barangay Doroluman, Arakan sa lalawigan ng Cotabato.
Kinilala ng MDRRMO Arakan ang kaawa awang biktima na si Roxan Roquero, 17 at residente sa President Roxas, Cotabato.
Ayon sa mga nakasaksi, paakyat na ang panel van mula sa Tinanan Bridge at nakabuntot ang biktima sakay ng motor nito nang mawalan ng kontrol ang driver nito at umatras sanhi upang magulungan nito ang katawan ng kahabag habag na biktima.
Nahati aniya ang balikat ng dalagita at nagtamo ng sugat sa katawan upang mamatay agad ito.
Ayon sa ulat, inutusan lang daw na mamili ng karne ang biktima at pauwi na sana ito sa kabubukas pa lamang nilang turo-turo ng maaksidente sa daan.
Sa ngayon, hawak na ng kapulisan ang driver ng nasabing panel van upang imbestigahan at mapanagot sa nasabing kamatayan ng dalaga.