Dalawang katao ang itinuturing na persons of interest ng mga awtoridad kaugnay sa karumal-dumal na pagpatay sa 18-anyos na dalagang si Rhona Mae Patricio sa Barangay Old Bulatukan, Makilala, Cotabato.
Ayon kay PCMS Ritchie Gesulga, information officer ng Makilala Municipal Police Station, lumabas ang biktima bandang alas-7:30 ng gabi noong Martes, Hunyo 10, upang humanap ng signal para sa kanyang cellphone. Ngunit hindi na ito muling nakauwi.
Kinabukasan, Hunyo 11, natagpuan ang kanyang bangkay sa bahagi ng creek malapit lamang sa kanilang bahay. Wala na itong saplot sa itaas at ibabang bahagi ng katawan, at nagtamo rin ito ng matinding sugat sa ulo na siyang posibleng ikinasawi niya.
Bagamat hinihintay pa ang opisyal na resulta ng postmortem examination, lumalabas sa paunang imbestigasyon na maaaring ginahasa muna ang dalaga bago ito pinatay.
Kinumpirma ng mga pulis na dalawang indibidwal ang patuloy na iniimbestigahan matapos matukoy bilang huling mga naka-chat o naka-text ng biktima bago ito natagpuang patay.
Mariing kinondena ng pamilya at mga kaanak ni Rhona Mae ang nangyaring krimen at nananawagan ng agarang hustisya.
Hinimok naman ng Makilala Police ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa mabilis na paglutas ng kaso.