Patuloy ang manhunt ng kapulisan laban sa isang person of interest kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang menor-de-edad na babae sa Purok 1, Sitio Sinait, Barangay Dagatkidavao, Valencia City, Bukidnon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Malaybalay kay PCpt. Sheila Joy P. Jangad, tagapagsalita ng Bukidnon Police Provincial Office, sinabi nitong may nakikilalang person of interest na kasalukuyang aktibong hinahanap sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Ayon pa sa kaniya, may ilang indibidwal ding lumitaw bilang posibleng testigo sa insidente.
Dagdag pa rito, nag-alok ang lokal na pamahalaan ng Valencia City ng P200,000 na recompensa sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magdudulot sa pagkakaaresto ng suspek.
Batay sa impormasyon mula kay Bise-Mayor Cecile Galario, pasado alas-8 ng gabi noong Enero 9, 2026, isinagawa ang manhunt sa Sitio Buco, Barangay Dagatkidavao, kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang suspek. Naganap umano ang isang engkwentro matapos umano itong manigbas nang tangkaing hulihin ng mga otoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang lahat ng detalye ng insidente at masiguro ang pagkakaaresto ng suspek, bilang hakbang upang maipagkaloob ang hustisya sa biktima.

















