Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng pulisya noong gabi ng Abril 9, 2026, sa Purok 5, Brgy. Poblacion 6 sa bayang ito.
Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Jan-Jan” at “Liz,” na naaresto matapos ang matagumpay na bentahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 500.00 sa isang poseur buyer.
Sa naturang operasyon na pinangunahan ng Midsayap Municipal Police Station – Municipal Drug Enforcement Unit (MPS MDEU), kasama ang iba pang yunit ng pulisya at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12, nakumpiska ang labindalawang (12) sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 17.23 gramo at tinatayang halagang Php 117,164, isang (1) kalibre .38 na revolver na may isang (1) bala, at ang marked money na ginamit sa buy-bust operation.
Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang buong operasyon alinsunod sa itinakdang legal na proseso, kabilang ang wastong dokumentasyon at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga kinakailangang saksi.
Kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa mga naarestong suspek.
Patuloy naman ang paalala ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang tuluyang masugpo ang ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

















