Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang police response operation sa Barangay Polloc, Parang, Maguindanao del Norte noong March 3, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek sa mga alyas na “Nor,” 27-anyos, may asawa, at “Abo,” 22-anyos, binata. Pareho silang residente ng nasabing barangay.

Batay sa ulat ng pulisya, naaresto ang dalawa matapos silang maabutan ng mga rumespondeng pulis habang nagsasagawa ng operasyon sa lugar kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Narekober mula sa kanilang posesyon ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiya na hinihinalang shabu.

Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya at nakatakdang isumite sa Provincial Forensic Unit ng Maguindanao del Norte para sa laboratory examination.

Samantala, dinala rin sa police station ang dalawang suspek para sa booking at documentation at sasailalim din sa drug testing.

Iginiit ng mga awtoridad na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang ligtas at drug-free na komunidad sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.