Nasakote ng mga awtoridad ang dalawang lalaki matapos mahuli sa aktong gumagamit ng hinihinalang shabu sa ilalim ng tulay sa Barangay Nicaan, Libungan, Cotabato pasado alas-9 ng umaga, Setyembre 25, 2025.
Ayon sa ulat, isang concerned citizen ang nakakita sa dalawang suspek na palihim na pumasok sa ilalim ng tulay. Nang masilip, kapwa nahuli ang mga ito na humihithit ng ipinagbabawal na gamot. Agad ipinaalam ang insidente sa barangay officials na tumawag ng pulis.
Kinilala ang mga suspek na sina Peter Reyes Tapdasan, 44-anyos, fish vendor, at Jerry Cahilig Orbista, 40-anyos, mag-aabaka, pawang residente ng Purok 3, Nicaan.
Narekober mula sa kanila ang isang nagamit na sachet ng shabu, lighter na may improvised foil tooter, at isang glass tooter.
Sa kasalukuyan, nakakulong na ang dalawa sa custodial facility ng Libungan PNP at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.