Nahuli ang dalawang lalaki sa Cotabato City matapos makumpiskahan ng mga hindi lisensyadong baril sa isang checkpoint operation sa Barangay Tamontaka 2 nitong Linggo, Nobyembre 9.
Kinilala ng Cotabato City Police Station 3 ang mga suspek na sina alyas “Moin”, 30 anyos, at alyas “Badrodin”, 35 anyos, na kapwa residente ng lungsod. Ayon sa pulisya, nasabat sa loob ng kanilang blue Suzuki Palette na may plakang MAM 9833 ang dalawang .45 caliber pistols isang Springfield Armory at isang Norinco.

Batay sa ulat, pinigilan ng mga awtoridad ang sasakyan ng dalawa para lamang sa isang plain view inspection, subalit nang matuklasang may mga baril sa loob, agad silang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, direktor ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang operasyon ay resulta ng koordinadong checkpoint activity ng Cotabato City Police Office, Police Station 3, Marine Battalion Landing Team-6, at iba pang yunit ng PRO-BAR.
Idinagdag pa ni De Guzman na ang pinaigting na pagpapatupad ng mga joint police-military checkpoints sa Cotabato City ay alinsunod sa direktiba ni Mayor Bruce Matabalao, chairman ng Cotabato City Peace and Order Council, upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lungsod.

Nahaharap dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nagbabawal sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril at bala nang walang kaukulang lisensya mula sa Philippine National Police.

















