Isang malaking tagumpay para sa kapayapaan at seguridad sa Agusan del Norte ang naitala matapos sumuko sa 29th Infantry Battalion ang dalawang natitirang aktibong kasapi ng Communist NPA Terrorists (CNTs) at isiwalat ang kinaroroonan ng mga itinagong mabibigat na armas at pampasabog sa Butuan City.

Kinilala ang mga sumuko na sina Efren Angeles Hilwano alyas Maru/Radz at Santiago Langgamon Galla III alyas Torting/Val/Khent, parehong armado at miyembro ng SRSDG WESTLAND, NEMRC. Sila mismo ang naggiya sa tropa upang mabawi ang isang M16A1 rifle na may M203 grenade launcher, isang M4 rifle, dalawang AK47 rifles, ilang magasin na may daan-daang bala, pati blasting caps at detonating cords.

Samantala, isa pang dating rebelde na si Maximo Vibas alyas Emok/Joey ang nagturo rin sa mga sundalo sa lokasyon ng isa pang M203 grenade launcher sa Santiago, Agusan del Norte.

Nanawagan si Lt. Col. Mark S. Tabon, Commander ng 29IB, sa iba pang natitirang miyembro ng CNT na tularan ang kanilang mga kasamahan ibaba ang armas, piliin ang landas ng kapayapaan, at makiisa sa pag-unlad na buong pusong tinutulungan ng pamahalaan.