Naaresto ng mga tropa ng pamahalaan ang dalawang Pilipino mula Nasugbu, Batangas sa nagpapatuloy na pursuit operations kaugnay ng pagkakadiskubre ng pinaghihinalaang iligal na droga sa baybayin ng Occidental Mindoro noong Marso 11.

Nasabat ang dalawang suspek habang sakay ng isang twin-engine rubber boat na patungo umano sa nasabing lugar.

Sa paunang ulat, inamin umano ng mga ito na inupahan sila ng isang indibidwal na pinaniniwalaang may-ari ng isang speedboat na naunang sumadsad sa lugar. Ang kanilang misyon umano ay hanapin at sagipin ang dalawang Chinese national na sinasabing may kaugnayan sa naunang tangkang pagpuslit ng iligal na droga.

Matapos ang kanilang pagkakaaresto, agad na isinuko ng mga awtoridad ang dalawang Pilipino sa kaukulang law enforcement agencies para sa karagdagang imbestigasyon at tamang legal na proseso.

Patuloy naman ang ginagawang operasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa naturang insidente.