Dalawang STL outlets sa lungsod ng Cotabato ang naaktuhan ng kapulisan at City Public Safety na patuloy at tila walang pakialam sa paglabag sa EO Number 135 na pinirmahan ni Mayor Bruce Matabalao na nagpapasuspinde muna sa operasyon ng mga STL sa lungsod.

Isang STL outlet sa Rosary Heights at Tamontaka area ang nagooperate at tila naghahamon pa sa mga autoridad sa kabila ng pinirmahang utos ng alkalde.

Dahil dito, nakumpiskahan sila ng bet money at mga parapernalya na ginagamit sa pagbola ng laro.

Nang matanong naman, sinabi ng mga ito na di nila alam na mayroong utos ang alkalde na nagsususpende sa kanilang operasyon.

Ang mga indibiduwal na hinuli ay dinala na sa himpilan ng kapulisan upang masampahan ng kaso na may kinalaman sa EO 135.

Ginawa ni Mayor Matabalao ang naturang suspensyon kasunod ng mga natatanggap nitong reklamo ng mga iligal na numbers game na nagkukubli sa STL.