Nasakote ng Mambaling Police Station ang isang miyembro ng LGBTQIA+ matapos itong mahuling nagnakaw ng cellphone sa loob ng isang mini market sa Barangay Duljo, Cebu City noong Mayo 26, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na Daniella, 30-anyos, residente ng Bogo City at pansamantalang namamalagi sa lungsod ng Cebu. Sa kuha ng CCTV ng naturang tindahan, makikitang si Daniella ang kumuha ng cellphone mula sa isang mesa sa loob ng mini market.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu, inamin ng suspek ang pagnanakaw at iginiit na nakita niyang walang tao sa loob ng tindahan kaya niya ito kinuha. Aniya, inakala niyang “grasya” ang nakita niyang cellphone, ngunit ‘di niya inasahang magiging “disgrasya” ito dahil sa presensya ng CCTV.

Dagdag pa ni Daniella, agad niyang ibinenta ang cellphone sa isang kakilala sa halagang ₱1,500. Natuwa umano siya sa perang napagbilhan kaya’t ginamit niya ito para kumuha ng tatlong lalaki bilang kanyang “kliyente” na kanyang binayaran ng ₱150 hanggang ₱200 bawat isa.

Inamin din ng suspek na dati na siyang nasangkot sa paggamit ng ilegal na droga.

Sa ngayon, nakakulong na si Daniella sa detention facility ng Mambaling Police Station habang hinihintay kung maghahain ng pormal na kaso ang mga nabiktima ng insidente.