Isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) Bulacan South District Office ang dalawang magkahiwalay na kaso laban sa pinatalsik na dating Bamban Mayor Alice Guo at kanyang pamilya kaugnay sa pagtatayo ng negosyo at pagbili ng lupa sa Marilao, Bulacan.
Ayon sa NBI, kabilang sa isinampang reklamo ang 30 bilang ng falsification of public documents kaugnay sa mga dokumento ng negosyo gaya ng articles of incorporation, secretary’s certificate, at 2021 General Information Sheet.
Bukod dito, nahaharap din sila sa 30 kaso ng simulation of Minimum Capital Stock sa ilalim ng Anti-Dummy Law, at 4 na bilang ng falsification of public documents kaugnay sa mga aplikasyon para sa business, occupancy, at building permits.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Alice Guo na nakikilala rin bilang Guo Hua Ping, Shiela Guo o Mier Zhang, Seimen Guo, at si Lin Wen Yi. May hiwalay pang 6 na bilang ng falsification na isinampa laban kay Alice Guo kaugnay sa deed of sale at documentary stamp.
Batay sa imbestigasyon, lumitaw na sina Guo at kanyang pamilya ay mga incorporator ng ilang kumpanya na nakarehistro sa iisang address sa Marilao. Idineklara pa umano nina Alice, Shiela, at Seimen na sila ay mga Pilipino sa kanilang articles of incorporation. Kabilang din umano sa mga co-incorporators ang sinasabing mga magulang ni Guo na sina Lin Wen Yi at Guo Jian Zhong.
Matatandaang nitong buwan, inihayag din ng NBI ang pagsasampa ng panibagong reklamong kriminal at administratibo laban kay Guo at 35 lokal na opisyal kaugnay sa umano’y iligal na land conversion ng isang POGO property.
Samantala, hiwa-hiwalay ding kaso ang kinahaharap ng dating alkalde kabilang ang qualified trafficking sa Pasig court, graft sa Valenzuela court, material misrepresentation sa Tarlac court, at quo warranto petition sa Manila court. Mayroon ding hiwalay na petisyon para kanselahin ang kanyang birth certificate sa Tarlac court.
Mariin namang itinatanggi ni Guo ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.