Naglabas ng panibagong pahayag si dating ARMM Solicitor General Atty. Frances Cynthia J. Guiani kaugnay sa patuloy na diskusyon hinggil sa kahulugan ng terminong “MILF-led” sa Bangsamoro Transition Authority o BTA.

‎Ito ay tugon ni Guiani sa naunang pahayag ni Member of Parliament Atty. Kitem “Kits” Kadatuan Jr. na nagsabing ang umiiral na Bangsamoro Organic Law o Republic Act 11054 ay hindi nagtatakda ng mayorya sa membership para sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.

‎Sa kanyang pahayag, iginiit ni Guiani na ang probisyong “The MILF shall lead the Bangsamoro Transition Authority” sa ilalim ng Article XVI, Section 2 ng BOL ay hindi lamang tumutukoy sa titulo ng pamumuno kundi nangangailangan umano ng mayoryang suporta sa loob ng 80-miyembrong BTA Parliament.

‎Ayon sa kanya, sa isang parliamentary body, mahirap umanong maipatupad ang pamumuno kung wala ang tinatawag niyang “structural majority,” kabilang ang kakayahang makabuo ng quorum at makapagpasa ng mga panukala.

‎Ipinaliwanag din ni Guiani na ang pagtanggal ng salitang “membership” sa pinal na bersyon ng BOL ay hindi nangangahulugang inalis ang representasyon ng MILF sa mayorya, kundi dahil sapat na umano ang salitang “lead” upang ipahiwatig ang kontrol sa pamumuno.

‎Binigyang-diin din nito ang desisyon ng Korte Suprema sa tinatawag na 2024 Sulu Case kung saan kinilala ang BARMM bilang isang “unique political entity,” at iginiit na ang relasyon ng pamahalaan at MILF ay nakabatay sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB na nilagdaan noong 2014.

‎Tinukoy rin ni Guiani ang unang implementasyon ng BTA noong 2019 sa ilalim ng administrasyong Duterte kung saan tinanggap umano ang listahan ng mga nominado mula sa MILF para sa 41 puwesto sa transitional parliament.

‎Sa kasalukuyan, nananatiling nakabinbin sa Korte Suprema ang petisyon kaugnay sa interpretasyon ng “MILF-led” na mandato, at inaasahang magbibigay ng pinal na linaw ang mataas na hukuman sa usapin.