Nasawi ang isang dating K9 handler at ang babaeng kasama nito matapos silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng kanilang Mitsubishi Mirage sa Purok 6, Barangay Lanao, Kidapawan City.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni PLtCol. Argie Celeste, acting Chief of Police ng Kidapawan City PNP, na nag-usap pa umano ang mga suspek sa mga biktima bago ito pagbabarilin at mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Balindog.

Matapos ang insidente, nakarekober ng pulisya ang itim na Nissan Almera, na ginamit bilang getaway vehicle, sa Barangay Kabasalan, Pikit, sakop ng Special Geographic Area ng BARMM.

Ayon kay PLtCol. Celeste, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril, batay sa inisyal na imbestigasyon at sa nakitang drug paraphernalia sa mga biktima.

Lumabas din sa ulat na parehong rented vehicle ang ginamit ng biktima at ng mga suspek isang karaniwang modus operandi ng mga sangkot sa droga upang hindi agad makilala.

Dagdag pa ni Celeste, ang babaeng biktima ay dating naaresto sa Matalam noong 2021 kaugnay ng pagbebenta ng droga, habang ang lalaki naman ay dating K9 handler na natanggal sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Kidapawan City Police Office upang mahuli ang mga sangkot sa krimen.

Ayon sa kapulisan, lubos ang kanilang pasasalamat sa pakikipagtulungan ng mga residente sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng bayan. Tiniyak din nila na mananatiling mabilis at masinop ang kanilang pagtugon sa anumang pangangailangan ng komunidad para sa pagpapanatili ng peace and order sa lugar.