Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng PNP Anti-Kidnapping Group at iba’t-ibang law enforcement units ang isang dating pulis na wanted sa kasong murder at carnapping, at itinuturong sangkot sa pagpatay sa isang aktibong pulis sa lungsod.
Kinilala ang suspek na si Abdulpatac “Patac” Pantacan, 33 anyos, dating nakatalaga sa Basilan Provincial Police Office at residente ng Parang, Maguindanao del Norte. Ayon sa mga otoridad, si Pantacan ay hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group at pangunahing suspek sa pagpatay kay PSMS Bongcawil noong Disyembre 1, 2024 sa parking lot ng isang mall sa Cotabato City.
Naaresto siya dakong alas-4:00 ng hapon, Hunyo 9, 2025, sa bahagi Almonte Street, Cotabato City. Isinilbi sa kanya ang dalawang warrant of arrest — para sa kasong murder na inisyu ng RTC Branch 27 at carnapping mula sa RTC Branch 43, Koronadal City. Walang piyansa ang parehong kaso.
Sa operasyon, sinigurong naipabatid sa suspek ang kanyang mga karapatang pantao alinsunod sa RA 9745 o Anti-Torture Act of 2009.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Pantacan habang isinasapinal ang legal na proseso para sa kanyang mga kaso.