Binawian ng buhay ang isang dating radio DJ at local band vocalist matapos maaksidente sa kanyang motorsiklo kaninang madaling araw sa Libungan, Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Garry Lehito, 34 anyos, dating Dis Jockey ng isang radio station sa bayan ng Midsayap na mas kilala sa alyas na “DJ MISS Y.” Siya rin ay isang vocalist ng local band at residente ng Barangay Gayonga, Northern Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Lehito galing sa isang gig nang mangyari ang aksidente sa bahagi ng Barangay Cabaruyan, Libungan. Ayon sa ulat, nawalan siya ng kontrol sa motorsiklo, lumihis ng daan at nahulog sa malalim na bahagi sa gilid ng kalsada.
Agad siyang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ng mga residente, ngunit idineklarang dead on arrival. Nagtamo siya ng matinding bali sa katawan at sugat sa ulo na naging sanhi ng kanyang pagkasawi.
Ayon sa mga kaibigan ng biktima, bago ang aksidente ay nakainom umano ito at posibleng nakaidlip habang nagmamaneho.
Labis ang dalamhati ng mga nakakakilala kay Lehito, na kilala bilang masayahin, mabait at masipag. Pinagsasabay niya ang pagiging DJ, band vocalist at iba pang raket upang makapagtapos sa pag-aaral at matulungan ang kanyang pamilya.