Mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ng Datu Hoffer, Maguindanao del Sur, ang armadong engkwentro na naganap noong Enero 27, 2026, sa pagitan ng mga kasapi ng 90th Infantry Battalion, at ilang armadong grupo. Ayon sa LGU, nagdulot ito ng pangamba sa mga residente at banta sa kaayusan ng bayan.

Binigyang-diin ng pamahalaan na walang lugar ang karahasan sa komunidad, at mahalaga ang pagpapanatili ng katahimikan, kaayusan, at kaunlaran. Buong suporta rin ang ipinahayag ng LGU sa AFP sa kanilang patuloy na pagtupad sa tungkulin na ipagtanggol ang kaligtasan ng mga mamamayan. Kinikilala ng pamahalaan ang tapang, dedikasyon, at sakripisyo ng mga sundalo sa pagpapanatili ng kapayapaan.

Hinikayat ng LGU ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag, at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at pagsunod sa mga alituntunin. Patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa AFP, PNP, at iba pang lokal na opisyal upang palakasin ang mga hakbang sa seguridad at matiyak ang proteksyon ng bawat residente.

Ayon sa opisyal na pahayag, ang pangunahing layunin ay makamit ang isang mapayapa, ligtas, at maunlad na pamayanan sa Datu Hoffer.