Inirekomenda ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na isailalim sa COMELEC Control ang bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte matapos ang pananambang kay Bai Maceda Lidasan Abosa election officer ng bayan ngayong araw, Marso 26, 2025.
Ayon sa ulat, kasama ng opisyal ang kanyang asawa na kinilalang si Jojo Abo nang maganap ang insidente. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pag-atake at ang mga posibleng responsable rito.
Sa ilalim ng COMELEC Control, magkakaroon ng mas mahigpit na seguridad sa lugar, kung saan may direktang pangangasiwa ang ahensya sa sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga opisyal, kandidato, at mamamayan lalo na sa nalalapit na halalan.
Magbibigay pa ng karagdagang impormasyon ang COMELEC at mga awtoridad hinggil sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.