Tuluyan nang isinailalim ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BARMM) ang bayan ng Datu Odin Sinsuat (DOS) sa ilalim ng Red Category o pulang kategorya ng mga lugar na may matinding concern sa seguridad, lalo na ngayong papalapit ang halalan.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PBGen. Romeo Macapaz, regional director ng PRO-BAR, kanyang inilahad na ang naturang hakbang ay bunga ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa nasabing bayan.

Kabilang sa mga biktima ng karahasang ito ay ang mag-asawang Atty. Maceda at Jojo Abo, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pulitika ang motibo ng pagpaslang.

Ayon pa kay PBGen. Macapaz, ang paglalagay sa bayan sa Red Category ay nagbibigay-daan sa kapulisan upang mas lalo pang paigtingin ang presensya at operasyon para sa seguridad.

Ito rin aniya ay malaking tulong upang maagapan ang karahasan at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ngayong nalalapit na ang halalan.

Dagdag pa ng heneral, malaking hakbang din ang paglalagay sa DOS sa ilalim ng Comelec Control, dahil dito ay mas magiging epektibo ang pagpapatupad ng mga mahigpit na hakbang kontra-krimen, lalo na sa mga insidenteng may kinalaman sa pulitika at eleksyon.