Pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) ang panahon ng paghahain ng petisyon para sa registration at accreditation ng mga political party at sectoral organizations na lalahok sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Ayon sa COMELEC, ang extension ay bunsod ng paggunita ng Eid al-Fitr at Holy Week upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga aplikante sa kanilang paghahain ng dokumento.

Sa ilalim ng bagong iskedyul, ang filing ng petisyon para sa Regional Parliamentary Political Parties (RPPPs) at kanilang mga koalisyon na dating itinakda mula March 17 hanggang 20, 2026 ay pinalawig hanggang April 6, 2026.

Samantala, ang paghahain naman para sa Parliamentary Sectoral Organizations (PSOs), kabilang ang mga sectoral wing ng RPPPs, na orihinal na nakatakda mula March 16 hanggang 23, 2026 ay pinalawig din hanggang April 6, 2026.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, layunin ng pagpapalawig na hikayatin ang mas malawak na partisipasyon, matiyak ang maayos at kumpletong pagsusumite ng mga dokumento, at mapanatili ang prinsipyo ng inclusivity, fairness, at due process sa proseso ng accreditation.

Ang nasabing hakbang ay nakasaad sa COMELEC Minute Resolution No. 26-0222.

Pinapayuhan naman ang publiko at mga interesadong grupo na bisitahin ang opisyal na website ng COMELEC para sa karagdagang impormasyon.