Nasawi ang isang wanted criminal na si Norodin Andig, alyas “Kwag-Kwag,” na may kasong murder at frustrated murder, matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Barangay Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki Maguindanao del Sur.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Rajah Buayan Municipal Police Station at 33rd Infantry Battalion, sa pamumuno at alinsunod sa arrest warrant na inisyu ng RTC Branch 13, Cotabato City. Habang sinusundan ang warrant, nanlaban si Andig at nagpaputok ng baril, kaya gumanti ang mga operatiba. Sa insidente, napatay si Andig at nakarekober ang mga awtoridad ng isang .45 caliber pistol kasama ang magasin at bala.

Kinilala si Andig bilang miyembro ng Dawlah Islamiyah Group at sangkot sa sunod-sunod na pamamaril sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao del Sur. Sa eksklusibong panayam ng StarFM Cotabato kay LtCol. Ronald Sucano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, sinabi nito na wala namang ibang casualties maliban sa wanted. Ayon kay Suscano, natunton ang kinaroroonan ng suspect dahil sa impormasyon mula sa asset o informant ng PNP, at nagbigay lamang ng suporta ang militar sa operasyon.

Hinikayat ni LtCol. Ronald Suscano ang buong komunidad sa BARMM at Region 12, sakop ng 6th Infantry Division, na ipagpatuloy ang aktibong kooperasyon ng mga sibilyan, lalo na ang mga kamag-anak ng mga pinaghahanap. Aniya, mahalaga na kumbinsihin at kausapin ang mga natitirang wanted individuals upang maiwasan ang karagdagang karahasan at panganib sa kanilang buhay.