Inatasan ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tiyakin ang seguridad at integridad ng nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).
Ipinahayag ni Teodoro ang kanyang direktiba sa Command Conference na ginanap sa Headquarters ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army, noong Setyembre 6, 2025. Mainit siyang sinalubong ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC), kasama ang iba pang senior officers at enlisted personnel ng Kampilan Troopers.
Binigyang-diin ng Kalihim na ang BPE ay isang mahalagang yugto sa demokratikong paglalakbay ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Kanyang iginiit ang pagiging non-partisan ng militar at nanawagan na tiyakin ang malinis at mapayapang halalan na walang impluwensiyang pulitikal, upang tunay na marinig ang tinig ng mamamayan.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Maj. Gen. Gumiran sa direktiba ni Teodoro, at tiniyak ang kahandaan at dedikasyon ng 6ID at JTFC sa pagprotekta sa karapatan ng Bangsamoro people na makapamili ng kanilang mga lider sa ligtas na kapaligiran.
Bukod sa usapin ng halalan, inanunsyo rin ni Teodoro ang nagpapatuloy na pagsusuri at pagbabago sa batas hinggil sa military pension, na layong magtaas ng morale at mapabuti ang kapakanan ng mga sundalo at kanilang pamilya.
Kasama ni Teodoro sa pagbisita sina AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr., Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Antonio G. Nafarrete, Acting Commander ng Western Mindanao Command Brig. Gen. Romulo D. Quemado II, at 1st Infantry Division Commander Maj. Gen. Yegor Rey P. Barroquillo Jr.
Sa kabuuan, ang pagbisita at Command Conference ay nagpatibay hindi lamang sa mga direktiba para sa seguridad ng halalan, kundi nagsilbing inspirasyon din sa mga tropa dahil sa katiyakan ng buong suporta ng pamahalaan para sa kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa BARMM.