Umapela si Deputy Speaker at Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Atty. Lanang Ali Jr. sa mga kumander ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) na maging pantay at malinaw ang kanilang paninindigan sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng pamunuan ng MILF Central Committee.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Ali na kung nakapaglabas ng agarang sama-samang reaksiyon ang ilang kumander laban sa naging komento ni MBHTE Deputy Minister Haron Meling, mas nararapat din umano na maglabas sila ng opisyal na written statement sa social media upang ipakita ang buong suporta sa pamumuno ni Chairman Ahod “Kagi Murad” Ebrahim bilang Commander-in-Chief ng MILF.
“Marami ng masyado nagpost at nagcomment laban at paninira sa MILF Central Committee na pinamumunuan ni Chairman Ahod “Kagi Murad” Ebrahim, wala kayong official reaction.” ayon kay Ali.
Dagdag pa niya, hindi dapat basta-basta magpokus sa isang komento lamang dahil mas marami pang mapanirang post at akusasyon ang naglabasan laban sa liderato ng MILF. Iginiit niya na tungkulin ng mga nasa hanay ng pamunuan at mga kumander na ipakita ang kanilang buong tiwala sa liderato upang mapanatili ang pagkakaisa at integridad ng organisasyon.
Matatandaang kamakailan ay tinawag umanong “puppet” ng pamahalaan si Chief Minister at BIAF Chief of Staff Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ng isang opisyal ng MBHTE, bagay na agad pinanindigan at kinondena ng mga kumander ng BIAF sa pamamagitan ng isang sama-samang pahayag.
Ngunit ayon kay Ali, higit na makabuluhan at makakabuti sa organisasyon kung malinaw ding nakikita ng publiko ang kanilang suporta sa pamunuan ng MILF Central Committee, na patuloy na gumagabay sa Bangsamoro sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Murad Ebrahim.