Nilinaw ni Deputy Speaker Atty. Amenodin U. Sumagayan na ang muling pagre-refer ng panukalang redistricting bill sa kaukulang komite ay hindi isang uri ng pagkaantala, kundi isang hakbang tungo sa mas makatarungan, makatuwiran, at makatotohanang batas na nakabatay sa pinakabagong datos at alituntunin.‎‎

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Deputy Speaker Sumagayan na ang desisyon ay hindi upang hadlangan ang proseso ng batas, kundi upang masigurong ang magiging hatian ng mga distrito ay nakabatay sa pinakabagong datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), kasabay ng direktiba sa ilalim ng bagong Presidential Decree na gumamit ng pinakahuling populasyon bilang batayan sa redistricting.‎‎

Ayon sa kanya, “Redistricting must not be based on outdated, inaccurate, or politically convenient numbers.” Aniya, maaaring humantong ito sa maling representasyon at makasira sa prinsipyo ng demokrasya.‎‎

Dagdag pa ni Deputy Speaker Sumagayan, nananatiling on-track ang 2025 parliamentary elections at hindi ito maaapektuhan ng pagbabalik ng panukala sa komite.

Ipinahayag din ng Commission on Elections (COMELEC) na tuloy ang halalan anuman ang estado ng redistricting bill. Binigyang-diin niyang ang hakbang na ito ay hindi pulitikal, bagkus ay nakatuon sa patas at makatarungang representasyon.‎‎

“Tuloy ang halalan. Boto pa rin ang mamamayani,” paniniguro niya.‎‎

Para kay Sumagayan, ang pagbabalik ng panukala ay hindi ‘retreat’ kundi isang “recalibration.” Ito umano ay bahagi ng pagiging bukas sa muling pagsusuri kapag may bagong datos na lumilitaw, tanda ng isang responsableng pamumuno.‎‎

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, iginiit niyang:‎”Hindi ito delay. Ito ay disiplina.‎ Hindi ito pag-aatubili. Ito ay katapatan.‎Hindi ito kahinaan. Ito ay karunungan.”‎‎Para sa Bangsamoro Parliament, ito ay hakbang upang matiyak na ang redistricting ay tunay na nagsisilbi sa mga mamamayan, at hindi sa interes ng pulitika.‎‎