Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Cotabato City kahapon ng hapon, Marso 16, 2026.
Kinilala ang biktima na si Norhamin U. Agar, isang dispatcher at residente ng Barangay Tamontaka. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:47 ng hapon nang rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 sa isang ulat ng pamamaril sa Sitio Upper Bubong, Kalanganan 2.
Batay sa paunang ulat, bumibisita umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang siya ay sundan at pagbabarilin ng mga suspek na mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo. Nagtamo si Agar ng maraming tama ng bala na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa 9mm na baril. Lumalabas din sa imbestigasyon na posibleng may kinalaman sa personal na alitan ang motibo sa krimen.
Ayon sa Cotabato City Police Office, may dalawa nang persons of interest na natukoy at kasalukuyang tinutugis sa pamamagitan ng hot pursuit operations.
Tiniyak naman ng pulisya sa publiko na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang agad na mahuli ang mga responsable at mapanagot sa batas. Patuloy pa ang masusing imbestigasyon at inaasahang maglalabas pa ng karagdagang detalye ang mga awtoridad sa mga susunod na araw.

















