Ayon kay Deputy Floor Leader atty. Naguib Sinarimbo, hindi na inirerekomenda ng Bangsamoro Attorney General’s Office ang pagpasa ng districting bill sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil saklaw na ito ng 120-day pre-election prohibited period na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) bago ang nalalapit na parliamentary elections.
Sinabi ni Sinarimbo na batay sa legal opinion ng Bangsamoro Attorney General’s Office, hindi na maaaring baguhin o galawin ang mga hangganan ng mga distrito sa loob ng nasabing panahon, at may malaking posibilidad na maideklarang invalid o unconstitutional ang anumang batas na maipapasa na labag sa nasabing regulasyon.
Ipinaalala rin ng deputy floor leader na may mga naunang districting laws—kabilang ang BAA 77—na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema dahil ipinasa sa kahalintulad na mga legal na batayan, partikular sa paglabag sa election-related prohibitions.
Ayon pa kay Sinarimbo, kung susuriin ang iskedyul ng halalan, malinaw na ang pagpasa ng districting bill ay tatama sa 120-day prohibition, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pagbabago sa boundaries ng mga distrito bago ang eleksyon.
Samantala, naipasa na ang Parliamentary Bill No. 415, na nagsisilbing consolidated measure ng anim na panukalang may kaugnayan sa districting, at ito ang gagamitin ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) bilang batayan sa mga susunod na talakayan sa plenaryo.
Dagdag ni Sinarimbo, handa ang kanilang panig na talakayin sa plenaryo ang mga isyung legal kaugnay ng panukala, ngunit iginiit na kailangang isaalang-alang ang umiiral na mga limitasyong itinakda ng Comelec upang maiwasan ang paglabag sa batas.

















