Magkakaroon ng dalawang beses na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong huling linggo ng Hunyo, ayon sa anunsyo ng Department of Energy (DOE).

Napagkasunduan ito sa pagitan ng DOE at mga kumpanya ng langis matapos hilingin ng pamahalaan na isagawa nang paunti-unti ang ipapatupad na big-time oil price hike, upang mabawasan ang biglaang epekto sa publiko.

Ngayong araw ng Martes, Hunyo 24, unang ipinatupad ng mga kumpanyang Shell, Petron, at Seaoil ang umentong ₱2.60 kada litro sa diesel, ₱1.75 kada litro sa gasolina, at ₱2.40 kada litro sa kerosene, epektibo alas-6:00 ng umaga.

Sa darating na Huwebes, Hunyo 26, inaasahan ang ikalawang bahagi ng dagdag-presyo na may kaparehong halaga ng umento.

Samantala, ang Caltex ay nagpatupad na rin ngayong Martes ng mas mataas na dagdag-presyo na ₱3.45/L sa diesel, ₱2.25/L sa gasolina, at ₱3.20/L sa kerosene. Nakatakda rin itong magpatupad muli ng umento sa Biyernes, Hunyo 27: ₱1.50/L sa diesel, ₱1.00/L sa gasolina, at ₱1.40/L sa kerosene.

Ayon sa DOE, isinumite na ng mga kumpanya ang kanilang staggered price adjustment scheme, kabilang ang detalyadong breakdown ng dagdag-presyo, upang masubaybayan ng ahensya.

Ang hakbang na ito ay isinagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, dulot ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, na ngayon ay sinasabing pinakikialaman na rin ng Estados Unidos.

Kaugnay nito, inihahanda na ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga tsuper at operator ng pampublikong transportasyon na labis na maaapektuhan ng serye ng taas-presyo ngayong linggo.