Nasagip ng Office of the City Veterinarian (OCVET) ang nasa 27 asong gala sa isinagawang dog impounding operations sa Cotabato City.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng City Ordinance 4482 o Anti-Rabies Ordinance ng lungsod, sa pangunguna ni City Veterinarian Dr. Robert Malcontento, katuwang ang mga opisyal ng barangay.
Batay sa tala ng OCVET, labing-isa ang nasilo sa Barangay Rosary Heights 3 noong Setyembre 1, habang labing-anim naman ang nahuli sa Barangay Tamontaka 2 noong Setyembre 5.
Layon ng operasyon na maprotektahan ang mga residente laban sa rabies at iba pang sakit na maaaring dala ng mga asong gala gaya ng distemper, ticks, at fleas.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng OCVET ang mga nasabing aso. Bukas din ang kanilang pasilidad para sa mga nais mag-ampon at maging responsableng fur parents.