Patuloy na nagbabantay sa dalawang indibiduwal na pinaghihinalaang may MPOX ang Department of Health 12 matapos na makitaan ito ng sintomas na tugma sa sintomas ng MPOX kagaya ng rashes, lagnat at sugat sa balat.
Sa panayam kay Dr. Dyan Parayao, ang Medical Officer 4 ng DOH-CHD 12 na bagamat di pa kumpirmado kung ang sakit nila ay MPOX, agad itong pinagisolate upang maiwasang makapanghawa pa ang virus.
Ipinadala na rin sa RITM o Research Institute for Tropical Medicine ang mga sample na mula sa mga pasyente upang malaman ang sanhi ng kanilang sintomas.
Samantala, bantay sarado naman ng kagawaran hindi lamang ang mga pasyente kundi ang mga naging close contact nito. Bagamat di madaling naipapasa ang sakit sa pamamagitan ng hangin, maari naman ito na mailipat sa pamamagitan ng skin-to-skin contact maging droplets sa pagbahing o pagubo.
Dahil dito, naghahanda na ang DOH 13 sa mga pagpapatupad ng mga hakbang upang matugunan ang sitwasyon kung sakali habang hinihintay ang resulta ng RITM at mga gabay o abiso mula sa opisina.
Nagpayo naman ang ahensya sa rehiyon na iwasan muna ang mga matataong lugar na may posibilidad na magkaroon ng skin-to-skin contact, ipagpatuloy ang pagsusuot ng proteksyon at pagpapanatili ng malinis na kamay bukod sa pagiging maingat at alertado ng mga ito.