Iniulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Ministry of Health – BARMM na tatlong (3) panibagong hinihinalang kaso ng monkeypox ang nadagdag nitong Miyerkules, Hunyo 11, 2025.

Sa kabuuan, umabot na sa 54 na kaso ng monkeypox ang naitala sa rehiyon mula Mayo 5 hanggang Hunyo 11, 2025. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga kasong nagnegatibo sa laboratoryo. Sa kabuuang bilang, 39 ang itinuturing na suspected cases, 7 ang probable, at 8 ang kumpirmado.

Sa ngayon, halos lahat ng hinihinalang kaso maliban sa isa ay patuloy pang hinihintay ang resulta ng kanilang laboratory tests.

Batay sa datos, may 12 kaso na ang nagnegatibo mula Mayo 5 hanggang Hunyo 11. Samantala, naitala ang 40% positivity rate para sa monkeypox sa rehiyon, ayon sa datos nitong Hunyo 9.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa Cotabato City na may 20 suspected, 2 probable, at 2 confirmed cases. Sa Maguindanao del Sur, may 11 suspected, 2 probable, at 3 confirmed cases. Samantala, sa Maguindanao del Norte, naitala ang 6 suspected, 3 probable, at 3 confirmed cases. Sa lungsod ng Lamitan, may 2 suspected cases ngunit wala pang probable o confirmed cases na naiulat.

Sa kabila nito, may walong (8) pasyente na ang gumaling mula sa monkeypox – apat mula sa Maguindanao del Norte at apat din mula sa Cotabato City.

Isang kaso ng hinihinalang pagkamatay na may kaugnayan sa monkeypox ang iniulat sa Cotabato City.