Kinilala ni Datu Odin Sinsuat Vice Mayor Bobsteel I. Sinsuat, ang desisyon ng Commission on Elections First Division na nagbigay-daan sa disqualification case na isinampa laban sa kanya.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Sinsuat na bagamat iginagalang niya ang naging desisyon ng komisyon ay mananatili silang nakatindig sa kanilang posisyon at magsasampa ng Motion for Reconsideration alinsunod sa umiiral na batas at mga proseso.

Iginiit ng opisyal na nananatili siyang kumpiyansa na sa tamang legal na proseso ay maihaharap nila ang katotohanan at malilinaw ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.

Tiniyak din ni Sinsuat sa mga residente ng Datu Odin Sinsuat na hindi matitinag ang kanyang pangako na maglingkod sa kabila ng mga hamon at usaping kinahaharap sa pulitika.

Nagpasalamat naman siya sa patuloy na suporta, panalangin at paghihikayat na natatanggap mula sa kanyang mga tagasuporta na aniya’y nagbibigay sa kanya ng lakas upang ipagpatuloy ang paglilingkod sa komunidad.

Sa huli ay nanalangin ang bise alkalde na nawa’y gabayan ng Allah SWT ang lahat sa landas ng karunungan, katarungan at pagkakaisa sa lahat ng kanilang ginagawa.