Arestado ang isang driver at isang laborer sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Police Station 4 sa Purok Ayunan, Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City kagabi, Hunyo 19, 2025.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na Gila, isang driver, at Oker, isang laborer. Nahuli ang dalawa matapos na makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa mga suspek sa mismong buy-bust transaction.

Matapos ang dokumentasyon, agad silang dinala sa custodial facility ng Cotabato City Police Station 4 para sa karampatang imbestigasyon.

Nahaharap ngayon sina Gila at Oker sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.